Matagal na akong nagseserbisyo sa publiko - Joy Belmonte
MANILA, Philippines - “Hindi ako bago sa serbisyo publiko. Matagal na akong naglilingkod sa mamamayan na taos sa puso at walang hinahangad na kapalit.”
Ito ang sagot ni Liberal Party QC Vice-Mayorial candidate Joy Belmonte sa pahayag ni Councilor Aiko Melendez na walang karanasan sa politika ang una at bago pa lamang ito sa larangan ng pagseserbisyo.
Binigyang diin ni Joy B na lingid sa kaalaman ng marami pagkatapos na pagkatapos niyang mag-aral sa kolehiyo ay naglingkod na siya nang tahimik sa mga mamamayan sa mga liblib na pook bilang guro ng mga kabataan sa Bukidnon.
Ilang taon din anya siyang naglingkod sa publiko nang maging Pangulo ng Ladies Foundation kung saan ang mahihirap na taga-QC ang kanilang prinayoridad na napaglingkuran at patuloy na pinaglilingkuran hanggang sa kasalukuyan.
Ilang kritiko naman ang nagsasabi na dapat ay hindi na lamang nagsasalita si Melendez ng komento sa mga kalaban nito sa politika dahil bago naman ito naging konsehal ng QC, ito ay isang artista at walang karanasan sa politika.
“Bago man ako sa politika, hindi naman ako bago sa pagseserbisyo, ilang taon akong nagsilbi sa bayan habang ako ay nasa NGO, paglilingkod na walang hinihinging kapalit, ngayon sa aking pagtakbo nais ko pang lawakan ang pagbibigay serbisyo sa publiko,” pahayag pa ni Joy B.
Idinagdag pa nito na ang taong may political will ang kailangan para umunlad ang isang bayan.
Samantala, prioridad ni Joy B na paglaanan ng libreng edukasyon ang mga mahihirap pero deserving na mga mag- aaral sa lungsod.
Sa isang panayam, sinabi ni Belmonte na bagamat halos lahat na ng programa sa mga taga-lungsod ay nagawa na ng ama na si QC Mayor Feliciano “SB” Belmonte tulad ng libreng paaral, magiging prayoridad pa rin niya ito upang lalong maipagpatuloy ang nasimulan ng ama sa paglalaan ng mahusay na edukasyon sa mga mahihirap pero deserving na mga mag aaral.
Sinabi pa nito na patuloy ang pagkalap ng kanyang tanggapan sa mga datos sa may 142 barangays sa lungsod para matiyak ang mga tutulungang kabataan para dito. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending