Club minomonitor kay Ivler
MANILA, Philippines - Nakatutok ngayon ang Quezon City Police sa mga night spots sa dalawang siyudad sa labas ng Metro Manila na pinaniniwalaang madalas tambayan ng madulas na si Jason Ivler, ang American citizen na wanted dahil sa pagpatay sa anak ng isang opisyal ng Malakanyang kamakailan.
Ayon kay Supt. Lino Banaag, hepe ng QCPD criminal Investigation and Detection Unit, minomonitor nila ngayon ang mga nightspots sa Tagaytay City at Antipolo City na pinaniniwalaan nilang gusto at palagiang pinupuntahan ni Ivler.
Gayunman, tumanggi namang tukuyin ng opisyal ang mga clubs at night spots sa paniwalang baka mabalewala ang operasyon ng kanyang tropa.
Ang tropa ng CIDU ang in-charge sa pagtugis kay Ivler na suspek sa pagpatay kay Renato Ebarle Jr., anak ni Malacañang Undersecretary Renato Ebarle Sr., noong Nobyembre 18.
Ang batang Ebarle umano ay binaril ni Ivler dahil lamang sa simpleng alitan sa trapiko sa may Santolan Road.
Si Ivler ay nauna nang sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide dahil sa pagkamatay ni Nestor Ponce, opisyal din ng Malacañang, sa isang insidente rin ng trapiko noong 2004. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending