Hapones idineport dahil sa illegal recruitment
MANILA, Philippines - Ipinatapon ng Bureau of Immigration ang isang Hapones pabalik sa sarili niyang bansa maka raang naaresto ito may anim na taon na ang nakalilipas dahil sa illegal recruitment ng mga manggagawang Pilipino.
Sa kanyang ulat kay BI Commissioner Nonoy Libanan, kinilala ni BI deportation unit head Atty. Antonio Rivera ang suspek na si Hiroaki Ogino na idineport noong nakaraang linggo sakay ng Philippine Airlines flight patungong Narita, Tokyo, Japan.
Batay sa record, naaresto ng BI si Ogino sa Davao City noong Nov. 27, 2003 matapos ireklamo ng ilan sa kanyang mga nabiktima na naloko sila ng Hapon at mga kasabwat nito ng pera kapalit ng tourist at working visas sa Japan.
Ayon sa complainants, tiniyak ni Ogino at mga kasabwat nito na mayroon silang malakas na koneksiyon sa Japanese embassy sa Maynila kaya magiging madali ang pagproseso sa kanilang visa.
Tumanggap umano si Ogino at iba pang suspek mula sa mga biktima ng P150,000 hanggang P350,000 bawat isa ngunit hindi naibigay sa kanila ang ipinangakong visa. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending