Maid kinalbo, plinantsa ng amo
MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit ng isang kasambahay dahil bukod umano sa labis na pagmamaltrato sa kanya ng pamilya ng bilyonaryong Intsik, kinalbo pa ang buhok nito saka plinantsa ang likurang bahagi ng katawan.
Ang biktima, si Gina Renacia, 33, ay pormal na nagharap ng sumbong sa Department of Justice, laban sa bilyonaryong akusado na si Mariano Tanenglian, asawa nitong si Aleta Adeline at anak nilang si Junjun Tanenglian.
Nabatid na ang biktimang si Renacia ay dumanas ng pisikal at mental na pag-abuso mula sa mga nabanggit na amo nang siya ay namamasukan bilang katulong noong Nobyembre 1992, at siya ay 15-anyos pa lamang.
Unang idinulog ang reklamo sa Philippine National Police (PNP).
Kabilang sa sinapit ng biktimang dati pang menor de edad, ang pananakit sa kanyang katawan, sinasampal sa tuwing may pagkakamali at pinupwersang kalbuhin ang sarili at ang pag-paso sa kaniyang likod ng ma init na plantsa hanggang sa maospital siya sa PGH.
Kung matatandaan, dalawa pang kasambahay ang nagharap ng sumbong sa Quezon City Police laban sa pamilya Tanenglian dahil umano sa pang-aabuso at pangmamaltrato ng mga ito sa kanila.
Ang isa sa mga kasambahay ay tumakas sa pamilya Tanenglian, habang ang isang biktima naman ay ni-rescue sa mansiyon ng mga Tan sa #30 Biak na Bato St., corner Dapitan St., Sto. Domingo, Q.C.
Nauna nang nagharap ng pormal na sumbong ang dalawang biktima na tinukoy sa pangalang Mary Jane Sollano, 18, tubong Zamboanga del Sur, at Aljane Bacanto,19, mula sa Leyte.
Si Sollano ay may limang taon nang nanilbihan bilang kasambahay habang si Bacanto naman ay may tatlong taon nang namasukan dito.
Ang mga biktima ay nasa ilalim ngayon ng ‘counseling’ sa tulong ng Teresita Ang See’s Kaisa Foundation.
- Latest
- Trending