Kolektor lasog sa bus
MANILA, Philippines - Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang kolektor makaraang mabundol at masagasaan ng isang pampasaherong bus habang tinatahak ng mga ito ang kahabaan ng Commonwealth Avenue sa lungsod Quezon kamakalawa.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Joel Fijo, 30, ng Christian Ville Subdivision, Las Piñas City. Nasa kustodiya naman ng Traffic Sector 5 ng Quezon City Police ang driver ng bus na si Johnny Cuaca Jr., 34.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, partikular sa U-turn slot sa harap ng U.P. Ayala Land, Brgy. Old Capitol Site, Diliman sa lungsod pasado alas-12 ng madaling-araw. Diumano, sakay ng kanyang Honda wave MC (5875-PP) ang biktima at tinatahak ang lugar kasabayan ang pinapasada namang Original Transit bus (NXN-325) ni Cuaca.
Pagsapit sa U-turn slot sa nasabing lugar kung saan magkasabay ang dalawa ay nasagi ng bus ang motorsiklo ng biktima. Dahil sa impact, tumilapon ang biktima sa motorsiklo at lumanding sa ilalim ng bus ng suspek, bago tuluyang masagasaan pa ang katawan nito na ugat ng kanyang kamatayan. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending