MANILA, Philippines - Kulungan ngayon ang ki nasadlakan ng dating aktres at beauty queen na si Aurora Sevilla makaraang maaktuhan ng Mandaluyong police na nagbebenta ng shabu, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.
Nakadetine ngayon sa Mandaluyong detention cell si Sevilla, 46, dating Mutya ng Pilipinas title holder noong 1984 at ang buyer na si Rodney Chudian, 31.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 kamakalawa ng gabi nang maaresto si Sevilla habang nagkakabentahan ng limang gramo ng iligal na droga sa may Kalentong St., sakop ng Daang Bakal, Mandaluyong at hangganan ng Sta. Ana, Maynila. Ayon sa Anti-Illegal Drugs Division, nakatanggap umano sila ng tip buhat sa isang impormante na may magaganap na bentahan ng droga sa Kalentong. Nang puntahan ng pulisya, dito nila nakilala ang dating aktres at maaktuhan ang nagaganap na bentahan kung saan agad na dinakip si Sevilla at si Chudian.
Itinanggi naman ni Sevilla ang akusasyon sa kanya. Sinabi nito na nagtungo siya sa Kalentong upang tumaya sa slot machine nagulat na lamang umano siya nang dumikit sa kanya si Chudian at iabot sa kanya ang dalawang gramo ng shabu na nakumpiska sa kanya ng mga pulis. (Danilo Garcia)