2 tinodas sa tapsilogan
MANILA, Philippines - Patay ang dalawa sa tatlong magkakaibigan nang atakehin sa isang tapsilogan ng kanilang nakaalitan sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Jayson dela Cruz, 20, binata, party entertainer (clown), samantalang sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) na binawian ng buhay ang kaibigan niyang si Benjamin Flores, 23, dahil sa tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan.
Tinutugis naman ang tumakas na riding-in-tandem at isa dito ay kinilala lamang sa alyas na “Jaypee”.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1 ng madaling-araw nang maganap ang pamamaril sa harapan ng “Cora’s Tapsilogan sa Francis St., Tondo.
Matapos kumain sa nasabing tapsilogan ang mga biktima kasama pa ang kaibigang si Robin Christopher Dineros ay nagpapahinga muna ang mga ito sa upuan sa labas. Dito na sila niratrat ng mga suspect.
Mabilis namang nakaiwas at nakatakbo papalayo si Dineros, habang naasinta ang dalawang biktima.
Nabatid sa imbestigasyon na dati nang kaalitan ng grupo ng biktima si Jaypee at tiniyempuhan lamang ang kanilang pagpunta sa tapsilogan upang resbakan. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending