MANILA, Philippines - Nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon upang makilala ang isang “Col. Añonuevo” na isinulat sa sariling dugo ng isang military doctor matapos na tambangan ito ng mga hindi nakilalang suspek habang lulan ng kotse, kamakalawa ng umaga sa Taguig City.
Isinugod muna sa Taguig District Hospital bago inilipat sa V. Luna Medical Center ang biktima na si Lt. Col. Joselito Lonzame, 49, nakatalaga sa Fort Bonifacio Hospital, Taguig City at naninirahan sa #51 Sucat, Muntinlupa City. Nasa kritikal na kundisyon ito makaraang magtamo ng tama ng bala sa leeg.
Sa ulat ng Taguig police, minamaneho ng biktima kasama ang anak na nurse na si Jaymee, 21, ang kanilang kotseng Mitsubishi Lancer (PLS-969) patungo ng Fort Bonifacio General Hospital dakong alas-6 ng umaga nang harangin ng isang Toyota Innova pagsapit sa southbound ng Waterfun C-5 Road, Brgy. Western Bicutan at saka pinaulanan ng putok ng baril.
Agad na tinamaan ang biktima sa leeg habang mabilis na pinaharurot ng hindi nakilalang suspek ang sasakyan na hindi rin naplakahan. Nagawa namang makalabas pa ng kanyang kotse ang biktima saka isinulat sa likurang bahagi ng kotse ang pangalang “Col. Añonuevo” bago ito isinugod sa pagamutan ng anak.
Sa panayam ng pulisya sa misis ng biktima na si Nora, wala siyang kakilalang Col. Añonuevo at wala rin naman umano siyang alam na kaaway ng kanyang mister na maaaring nasa likod ng tangkang pamamaslang.
Umaasa naman ang pulisya na makakaligtas at agad na makakarekober ang biktima sa tinamong tama ng bala upang agad na makunan ng pahayag para sa mabilis na ikareresolba ng kaso. (Danilo Garcia)