3 suspek sa soy beans nalambat ng pulisya
MANILA, Philippines - Tatlo katao na sangkot sa pagtangay ng saku-sakong soy beans ang nalambat ng mga tauhan ng Manila Police District-Theft and Robbery Section sa isinagawang follow-up operation sa Apalit, Pampanga kamakailan.
Ipinagharap ng kasong qualified theft ang mga nadakip na sina Gerald Taruc, 31, truck driver; Renato Mallari, 51; at Jerry Villanueva, 31, na pawang residente ng Pampanga. Tinutugis pa ang dalawang pahinante ng delivery truck na sina Joseph Aragones at isang alyas “Do” na sinasabing nagtago kaugnay sa pagtangay ng delivery.
Nabatid na dumulog ang negoyanteng si Elizabeth Tan, may-ari ng Simon Enterprises Incorporated sa MPD-TRS, nang hindi na umano lumutang pa ang driver at dalawang pahinante na inutusan niyang magdeliber ng soy beans noong Nobyembre 18, 2009 na kinuha sa loob ng warehouse ng kanyang kumpanya sa 3420 Lubiran Street, Bacood Sta. Mesa, Maynila.
Nabatid na dala ng nasabing delivery truck ang 441 sako ng soy beans na nagkakahalaga ng P5-milyon. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending