Computer company ninakawan ng 2 tauhan
MANILA, Philippines - Nabisto sa pagnanakaw ang isang computer technician at isang inventory assistant nang matagpuan sa kanilang personal cabinet ang ilang piraso ng laptop spare parts at LCDs.
Ipinagharap ng kasong qualified theft ng National Bureau of Investigation sa Pasig City Prosecutor’s Office ang mga suspek.
Ang mga suspek na sina Danrich Carganilla, computer technician at residente ng Peñalosa St., Tondo, Maynila at Emmanuel Cariaso, inventory assistant ng Neo Manufacturing Services, residente ng Countryside Subdivision, Brgy. Sta. Lucia, Pasig City, ay inireklamo ng Glee Electronics Inc. at Neo Manufacturing and Services Inc. na matatagpuan Taipan Place Bldg., Emerald Ave., Ortigas Center, Pasig City.
Natuklasang may mga itinago umano ang mga suspek na mga laptop, spare parts, LCDs, keyboards, Mobo, Battery, Mobile Odd Combo at ilan pang gamit sa computer na itinuring na ‘double issue’ o nadoble na ang inilabas mula sa kumpanya. Natukoy din ng NBI na may maanomalyang transaksiyon na ginagawa si Cariaso at kinakasabwat diumano si Carganilla. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending