Mosque pinagigiba, Mayor Lim sumaklolo
MANILA, Philippines - Nagpapasaklolo kahapon kay Manila Mayor Alfredo Lim ang ilang Muslim na pawang mga miyembro ng Rawatun Muslem Cultural Center Incorporation, matapos umano nilang matanggap ang isang “notice” na pinapagiba ang nakatayong mosque sa Palanca St., Quiapo, Maynila.
Sa ginanap, na People’s Day, hiningi ng mga ito sa pangunguna ni Mohammad Faiz Macabato sa alklade na mamagitan upang kumbinsihin ang nakabiling korporasyon na paupahan o ibenta na lamang sa kanila ang lupang kinatitirikan ng kanilang mosque.
Lumilitaw na ang nabanggit na lupain ay dating pag-aari ng Land Bank of the Philippines at inialok sa kanya na kanya namang inialok sa Saudi Arabia embassy. Subalit sa pagmamadali ng LBP, naibenta ang lupa sa isang korporasyon.
Sa ginawa namang beripikasyon ni Lim, ang nasabing lupain ay pag-aari na ng Capital Services Advisers of the Philippines na may tanggapan sa Makati City.
Ayon kay Lim, pipilitin niyang magawan ng paraan ang hinaing ng mga Muslim upang hindi maapektuhan ang kanilang mosque na napakahalaga sa kanilang samahan. (Doris Franche)
- Latest
- Trending