Mister tinodas sa inuman
MANILA, Philippines - Butas ang mukha at batok ng isang mister na ikinasawi nito habang sugatan naman ang isang kainuman nito na tinamaan naman ng bala galing sa una matapos na barilin ng malapitan ng isa sa dalawang kalalakihan sa lungsod ng Quezon kamakalawa.
Si Ronald Banto, 42, at residente ng Matipuno St., Brgy. Pinyahan sa lungsod ay idineklarang patay nang isugod sa East Avenue Medical Center.
Sugatan din si Paul John Simon, 25, walang trabaho na tinamaan ng bala sa kaliwang mukha. Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente sa mismong bahay ni Banto pasado alas-8 ng gabi.
Nag-iinuman umano ang nasawi kasama sina Simon, Reynaldo Banto, Jerame Cabatit, at Randy Amante, nang biglang sumulpot ang isa sa mga suspek na may tangang baril saka pinaputok sa biktima nang malapitan.
Mula sa batok, naglagos ang bala sa mukha ng biktima, hanggang sa tumama ang bala sa kaliwang mukha naman ni Simon na katabi nito sa inuman.
Matapos ang pamamaril, agad na tumakbo papalayo ang suspek at sumakay sa naghihintay na motorsiklo at mabilis na sumibat papalayo.
Inaalam pa ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending