ReÂtiradong judge kapalit ni BF sa MMDA
MANILA, Philippines - Itinalaga ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang bagong Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman ang isang retiradong hukom bilang kapalit ni Bayani Fer nando na tatakbong presidente sa 2010 elections.
Ayon kay Press Secretary Cerge Remonde, nagbitiw noong Biyernes si MMDA chairman Fernando at nagpaalam na ito kay Pangulong Arroyo.
Ang napili ni Mrs. Arroyo na magiging kapalit ni Fernando sa MMDA ay si retired Judge Oscar Inocentes.
Si Inocentes ay nagsilbing hukom sa Quezon City at humawak ng rape case ni Maggie dela Riva. Magiging epektibo ang pag-upo ni Inocentes sa MMDA sa Disyembre 1.
Nagsilbi si Inocentes bilang undersecretary for Political Coalition Affairs sa ilalim ng Office of the President.
Tumanggap siya ng presidential award mula kay dating Pangulong Diosdado Macapagal dahil sa tagumpay ng prosekusyon laban sa “Big 4 Gang” at binigyan din siya ng presidential award ni dating Pangulong Marcos sa pag-convict sa mga gumahasa kay Maggie dela Riva. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending