MANILA, Philippines - Matapos ang halos pitong araw na paghahanap, bangkay na nang matagpuan ang katawan ng isang 16-anyos na binatilyo sa may bakanteng lote sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang biktima ay kinilalang si Roselo Lasibal, alyas Sadam, scavenger at residente ng Kamia St., Lower Jasmin, Brgy. Payatas A, sa lungsod.
Ayon sa ulat, si Lasibal ay huling nakitang buhay ng kanyang asawang si Mary Jane Samonte noong Nobyembre 15, 2009 matapos na magpaalam na mangangalakal.
Nakilala naman ang mga suspek sa alyas na Jacob at Inan na mga residente rin sa nasabing lugar.
Sinasabing matagal nang hinahanap ng pamilya ang biktima hanggang sa magtapat ang suspek na si Jacob sa isang alyas Junior na pinatay na niya ang biktima.
Dahil dito, agad na pinuntahan ng mga kasamahan ang lugar na sinabi ng suspect kung saan natagpuan nga ang biktima habang nakahandusay at nagsisimula nang mabulok.
Lumilitaw din sa imbestigasyon na love triangle ang ugat ng pamamaslang dahil ayon sa pulisya, ang suspek na si Jacob ay may gusto umano sa asawa ng nasawi at dahil hindi niya ito makuha ay pinatay na lamang niya ang hadlang na asawa.
Patuloy ang manhunt operation ng awtoridad upang maaresto ang nasabing mga suspek. (Ricky Tulipat)