MANILA, Philippines - Higit na patitindihin ang buy-bust operations at mga drug-related arrests sa Quezon City sa susunod na taon upang maibsan at malipol na ang drug pushing at addiction sa lunsod.
Ito ang sinabi ni QC Vice Mayor Herbert Bautista sa isang seremonya para sa Drug Abuse Prevention and Control Week ngayong linggong ito sa QC hall na may temang “Kilos Pamayanan, Droga’y Patuloy na Labanan.”
Naniniwala si Bautista na ang tagumpay ng drug campaign sa lunsod ay dahil sa matinding suporta ni QC Mayor Feliciano “SB” Belmonte Jr. sa mga drug-related programs na naipatutupad ng iba’t ibang law enforcement agencies sa bansa.
Sa kasalukuyan, may mahigit P1 bilyon halaga ng mga droga ang nasamsam sa lunsod mula 2001 hanggang sa ngayon sa ilalim ng Belmonte administration. (Angie dela Cruz)