Kristo sa sabungan, binoga ng sabungero

MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang isang kristo ng Pasay City Cockpit arena makaraang pagbabarilin ng isang sabungero sa parking lot ng sabugan, kahapon ng hapon sa nabanggit na lungsod.

Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa pisngi at kaliwang balikat ang biktimang nakilalang si Wenceslao Vinas III, resi­dente ng Road 1, North Daang Hari, Bicutan, Taguig City.

Agad namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek na si Albert Mugen, 44, electrician, at naninirahan sa   J.P. Rizal Street, Brgy. Maypajo, Caloocan City.

Sa ulat ng Pasay police, naganap ang krimen dakong ala-1:40 ng hapon sa parking area ng Pasay City Cockpit sa may Arnaiz Avenuey. Ayon kay PO1 Marvin Sta. Ana, nagpa­patrulya siya sa lugar nang makarinig ng magkasunod na putok ng baril na agad niyang nirespondehan.

Dito niya nakita ang suspek na hawak ang baril at nakahan­dusay sa harap nito ang du­guang katawan ni Vinas. Agad namang sumuko si Mugen sa naturang pulis. Isinailalim sa imbestigasyon si Mugen kung saan hinihina­lang alitan sa ba­ yaran ng taya ang ugat ng natu­rang krimen. Inihahanda naman ng pulisya ang pagsa­sampa ng kasong murder laban sa suspek sa piskalya. (Danilo Garcia)

Show comments