MANILA, Philippines - Nagkalasug-lasog ang katawan ng dalawang security guard matapos na masagasaan ng rumaragasang cargo truck sa may Balintawak sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Tomas Dolor at Gilbert Francisco. Iniimbestigahan naman ng Traffic Sector 6 ng QCPD ang nakasagasang truck na si Ronnie Abanilla,32, ng Camaligan, Camarines Sur.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa may northbound lane ng Balintawak sa Edsa pasado alas- 2 ng hapon.
Ayon kay SPO2 Domingo Valerio ng TS6, self accident umano ang nangyari dahil habang sakay ng isang Mitsubishi Motorcycle (4179-NB) ang mga biktima na minamaneho ni Dolor ay nawalan ito ng kontrol pagsapit sa overpass ng Balintawak.
Mula dito ay bumuwal ang motorsiklo ng mga biktima kung saan dumarating naman ang rumaragasang Isuzu cargo truck (TGN-509) na dala ni Abanilla, at sa bilis ay hindi na nito naga wang mapagpreno at tuluyang sinagasaan ang dalawa.
Dead on the spot sa lugar si Dolor habang nagawa pang isugod sa Quezon City General hospital si Francisco ngunit idineklara itong patay makalipas ang gamutan. (Ricky Tulipat)