Basurero grinipuhan ng 2 anak-anakan
MANILA, Philippines - Pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ng magkapatid ang kinakasama ng kanilang ina na nagtatalo ukol sa pera, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Idineklarang dead on arrival sa Pasay City General Hospital dahil sa apat na saksak sa katawan ang biktimang si Nino Ramirez, 33, kolektor ng basura at residente ng Gamban Extension, ng naturang lungsod.
Mabilis namang nasukol ng rumespondeng kapitbahay na pulis ang dalawang suspek na sina Edgar Escotillion, 18, at kuya nitong si Eden, 20, kapwa kolektor rin ng basura at naninirahan rin sa nabanggit na lugar.
Sa ulat ng Pasay City police, naganap ang krimen pasado alas-11:50 ng gabi sa bahay ng biktima at mga suspek. Nabatid na unang nagtalo sina Ramirez at ina ng mga suspect na si Myrna ukol sa nawawalang P5,000 na inutang ng huli para ipamasahe sana ng una pauwi ng Bicol. Wala namang maipakitang pera ang biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Tiyempo namang dumating ang dalawang anak ni Myrna na kapwa lasing at sumabat sa pagtatalo ng ina at ng ama-amahan. Hindi naman nagustuhan ito ni Ramirez na kumuha ng martilyo at patalim saka hinamon ng away ang magkapatid.
Nagawang maagaw naman ng magkapatid ang patalim na hawak ni Ramirez na siyang ipinangsaksak sa kanya ng mga suspek. Agad namang humingi ng tulong si Myrna sa kapitbahay nilang pulis na si SPO1 Jaime Ramirez na siyang umaresto sa magkapatid na Escotillion.
Nakaditine ngayon ang mga suspek sa Pasay detention cell at nahaharap na sa kasong homicide sa piskalya. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending















