Dahil lamang sa away sa trapiko, anak ng Malacañang official, pinatay
MANILA, Philippines - Simpleng away trapiko lamang ang ugat upang pagbabarilin at mapatay ng isang hindi nakikilalang salarin ang anak ng mataas na opisyal ng Malakanyang sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Walang buhay na nakayuko sa driver’s seat ng kanyang sinasakyang Toyota Land Cruiser (RET-565) dahil sa tina mong tama ng bala sa dibdib at tagiliran nang abutan ng mga rumespondeng awtoridad ang biktimang si Renato Ebarle Jr., 27, recruitment officer sa Manila Peninsula, at residente ng New Manila sa lungsod. Si Ebarle ay anak umano ni Presidential Chief of Staff Usec. Renato Ebarle Sr.
Ayon sa pulisya, sinisimulan na nila ang pagsisiyasat para matukoy ang salarin na isinalarawan sa taas na 5’8’’, anyong dayuhan, may tattoo sa kanang kamay at sakay ng isang diplomat blue wagon na may plakang 20903.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang pamamaril sa kahabaan ng Boni Avenue (dating Santolan Road), corner Benitez Road, Brgy. Valencia sa lungsod pasado alas-11 ng gabi.
Sinasabing sakay ng kanyang Toyota Land Cruiser (RET-565) na may secretary plate sa harap na “12 OPCS” ang biktima nang makagitgitan umano nito ang isang blue wagon na diplomatic car sa nasabing lugar.
Ayon kay SPO2 Edgar Tiodin ng Highway Patrol Group sa Camp Crame, nagmamaneho siya ng kanyang Isuzu Crosswind sa kahabaan ng Santolan Road nang makita niya ang nasabing mga sasakyan na nagkaroon ng problema sa trapiko.
Pagsapit umano sa Boni Serrano malapit sa Ortigas Avenue, hinarang ng blue wagon ang sinasakyan ng biktima, saka bumaba ang driver ng wagon bitbit ang kalibre .45 baril at pinagbabaril ang huli na agad na ikinamatay nito.
Matapos ang pamamaril, agad na sumakay ang suspek sa kanyang sasakyan at mabilis na pinaharurot ito patungong San Juan. Tinangka pang habulin ni Tiodin ang suspek ngunit nabigo siyang maabutan ito.
Samantala, bago ang insidente, inihatid muna ng biktima ang kanyang girlfriend na si Kristine Abas sa bahay nito sa MOQ9, AFPLS quarters na matatagpuan sa loob ng Camp Aguinaldo sa lungsod, kung kaya laking gulat nito nang mabalitaan ang pangyayari.
- Latest
- Trending