MANILA, Philippines - Hindi umano akalain ng tatlong snatcher na pulis ang kanilang tinalo at inagawan ng cellphone hanggang sa isa sa kanila ang bumulagta kamakalawa ng gabi sa Tondo, Manila.
Mismong ang biktimang si PO1 Edmond Trinidad, 28, nakatalaga sa Manila Police District-Station 2, Anti-Crime Unit ang nagdala sa nabaril niyang snatcher sa pagamutan. Inilarawan ang suspect na nasa 35- 40 anyos, tadtad ng tattoo, armado ng kalibre 38.
Nagawa namang makatakas ng dalawa pang kasamahang snatcher.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa may panulukan ng Road 10 at Mabuhay St., Tondo.
Nagsasagawa ng detective beat patrol ang mga nakasuot sibilyang sina Sr./Insp. Joselito Binayug at Trinidad sa kahabaan ng Road 10 at habang magkahiwalay na nakaposte sa lugar ay sumagot umano si Trinidad sa tawag sa cellphone gamit ang kanyang Nokia 5310 nang bigla umano itong hablutin ng suspect.
Hinabol nito ang snatcher at nagpakilala umano siyang pulis nang lumutang ang dalawa pang kasamahan ng suspek at isa dito ang tumutok ng baril sa pulis subalit hindi umano naiputok.
Agad rumesbak ng putok si Trinidad kaya tinamaan ang isa habang ang dalawa ay nagpulasan. (Ludy Bermudo)