Mister dinedo ng boarder
MANILA, Philippines - Nagkabutas-butas ang katawan ng isang 47- anyos na mister na agad na ikinamatay nito makaraang pagbuntunan ito ng galit at pagbabarilin ng kanyang boarder na naburyong matapos iwan siya ng kanyang pamilya sa lungsod Quezon kamakalawa.
Si Orlando Balictar, ng Block 6, Lot 4, Brgy. Escopa IV, Project 4 sa lungsod ay hindi na nagawa pang makapanlaban makaraang sorpresang paulanan ng bala ng security guard na si Jonathan Verra, 39, at residente sa Mangga St., Libis, Bulak lak Malanday, Marikina City. Mabilis itong tumakas matapos ang isinagawang krimen.
Ayon kay PO2 Hermogenes Capili, may-hawak ng kaso, lasing umano ang suspek nang isagawa ang pamamaril at nadagdagan ito nang magtalo sila ng kanyang asawa dahil sa bayad sa upa ng nirerentahang kuwarto na pag-aari ng biktima.
Nangyari ang pamamaril sa loob ng tinutuluyan ng biktima kung saan boarder nito ang suspek ganap na alas-10 ng gabi.
Bago ito, nakipag-inuman muna ang suspek sa kanyang mga kaibigan at makalipas ang ilang minuto ay nagtalo ang una at ang kanyang live-in na si Lorie hingil sa bayarin nila sa upa.
Naging mainit ang pagtatalo hanggang sa magpasya si Lorie na layasan ang suspek bitbit ang dalawa nilang anak. Kinausap ng suspek ang nasawi hingil sa atraso nila sa bahay pero hindi pumayag ang huli sanhi upang maburyong ito.
Ilang sandali pa ay narinig na ang sunud-sunod na putok ng baril at doon nakitang duguang nakahandusay ang biktima. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending