MANILA, Philippines - Tinawag na “lousy” ang Bureau of Customs (BoC) ng kanilang international counter part dahil sa palpak na operasyon nito nang arestuhin ang isang dayuhan na umano’y miyembro ng Customs Investigation Office-Department of Drugs sa Frankfurt, Germany.
Ayon sa isang Custom official, nalagay sa panget na imahe ang BoC ng Pilipinas dahil sa pagkakaaresto nila sa agent na si Joachin Kuhne, na nagpanggap na poseur drug trafficker sa Ninoy Aquino International Airport. Dahil dito kaya’t tinawag umano ng German Customs ang Customs sa Pilipinas bilang “lousy”.
Matatandaan na nagsagawa ng operasyon ang Intelligence and Investigation Service sa pangunguna ni director Filomeno Vicencio Jr laban kay Kuhne dahil sa illegal possession of cocaine na tumitimbang ng limang kilo at tinatayang P50 milyon ang halaga. Subalit lingid sa kaalaman ni Vicencio ang kargamento ng cocaine ay controlled delivery na pinapayagang makapasok sa bansa upang mahuli ang hinihinalang buyer na si Michael Lee na siyang kukuha ng kontrabando.
Ang nasabing operasyon umano ay usapang gobyerno sa gobyerno at maaring naging maayos kung hindi dahil kay Vicencio, kaya nasunog ang operasyon ayon pa sa opisyal ng BOC dahil mayroong legal na dokumento ang dayuhan upang makapagbitbit ito ng cocaine. Upang hindi naman umano maulit ang kahihiyang inabot, kayat gagawa ng guidelines ang Bureau of Customs (BoC) tungkol sa “controlled delivery” entrapment operations.
Ayon kay BoC Commissioner Napoleon Morales, ipinag-utos na niya ang paggawa ng bagong rules upang makatulong sa mga Customs agents na madetermina kung ang kargamento ay illegal o hindi. Paliwanag naman ni Morales ang pagkakamali sa anti-drug operation sa NAIA ay resulta lamang ng miscommunication sa parte ng opisyal ng Cus toms Intelligence and Investigation Service (CIIS). (Gemma Amargo-Garcia)