Asset ng parak itinumba
MANILA, Philippines - Isang impormante umano ng District Anti-Illegal Drugs-Task Force (DAID-TF) ng Quezon City Police ang napatay makaraang ratratin ng tatlong armadong kalalakihan habang ang una ay nagsasagawa umano ng test buy operation sa isang lugar sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Wency Casino, at residente ng Living Water Stanford St., Cubao sa lungsod.
Ayon sa report, tatlong mga suspek na pawang mga armado ng kalibre 45 baril at mahabang armas ang pumaslang sa biktima.
Nakilala ang mga suspek sa alyas na Allan, Orak, at Dapu, pawang mga residente sa nasabing lugar. Nangyari ang insidente sa may Pandoc compound, AFP road, Brgy. Pinyahan sa lungsod pasado alas -9 ng gabi.
Bilang asset ng police, nagsasagawa umano ng test buy operation ang biktima kasama ang isa pang asset sa lugar nang biglang lapitan ang mga ito ng tatlong mga suspek at paulanan ng bala.
Nabatid pa sa imbestigasyon na sa pamamaril ng mga suspek tanging ang biktima lamang ang pinuntirya ng mga ito. Nagawa namang makatakbo ng kasamahan nito at humingi ng saklolo sa mga barangay tanod.
Sa pagsisiyasat, nabatid na ang operasyon ng dalawa ay hindi nalalaman ng tropa ng DAID-TF at pinalalagay ng mga ito na sariling lakad ito ng mga una. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending