MANILA, Philippines - Isang consultant sa Department of Interior and Local Government (DILG) at dating UP professor ang natagpuang patay sa loob ng ladies comfort room ng nasabing kagawaran sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Simeon Obida, 83, residente ng Tayabas Quezon at stay in consultant ni Senior Action officer for Transparency and Anti-Graft-Corruption Asst. Sec. Edgardo Abenina.
Ayon sa pulisya, si Obida ay natagpuang walang buhay ng janitress ng kagawaran na si Candeleria Dornedo, 42, sa loob ng CR na matatagpuan sa ika-4 na palapag ng DILG office sa Francisco Gold Condominium II, EDSA corner Mapagmahal St., Brgy. Pinayahan pasado alas-7 ng umaga.
Ayon kay Dornedo, maglilinis sana siya ng banyo sa nasabing palapag nang marinig niya ang lagaslas ng tubig mula sa nasabing kubeta. Dahil dito nagpasya siyang silipin kung may naliligo, hanggang sa mabungaran niya ang biktima na duguang nakahandusay sa sahig.
“Lumabas ’yung dugo niya sa ilong, bunganga at tainga dahil sa lakas marahil ng pressure nito, pero maaring natural death ang pagkamatay,” ayon sa pulisya.
Batay sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) may nakitang malaking putok sa ulo ang biktima na pinaniniwalaang nabagok umano matapos na atakehin sa kanyang sakit.
Gayunman, inaalam pa rin ng pulisya kung may foul play sa pagkamatay ng nasabing biktima.