Nabuko kasi ni nanay: Buntis na dalagita, lumagok ng silver cleaner
MANILA, Philippines - Dahil sa nabuking ng ina na nagdadalantao kayat nagpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng silver cleaner ang isang 17-anyos na 1st year college student kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Hinihinalang may ilang oras nang patay ang biktimang itinago sa pangalang Rochelle base na rin sa kahilingan ng pamilya nito,
1st year college student sa isang kolehiyo sa Pampanga at residente ng Tondo, Manila.
Lumalabas sa ulat ni Det. Gerry Amores ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-7:00 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng nasawi ng ina nito sa loob ng kanyang kwarto.
Gigisingin sana ng ina na si Aling Myville ang anak upang makapaghanda sa kanilang pagpunta sa Pampanga subalit laking gulat nito ng makitang wala nang buhay ang anak.
Ayon sa ina ng biktima, bago ang pagpapakamatay ng anak ay nabuking niya ito na tatlong buwan nang buntis matapos na mapansin na tila lumalaki ang tiyan at dede nito subalit itinatanggi nito.
Gayunman, napilit din ng ina ang anak na aminin upang matulungan umano nito na harapin ang kanyang problema.
Nakatakda sanang magtungo ang biktima at ang ina nito sa Pampanga upang kausapin ang nobyong nakabuntis sa kanyang anak subalit mas pinili nito na magpakamatay.
Nakuha sa tabi ng biktima ang isang bote ng silver cleaner na ginamit sa pagpapakamatay.
Nabatid na nakilala ng dalagita ang kanyang nobyo sa Pampanga kung saan ito nag-aaral.
Dumating ang biktima sa Maynila nitong Oktubre 4 upang magbakasyon at dito sa kanyang tiyahin pangsamantalang nanirahan.
Tumanggi naman ang mga magulang ng nasawi na sumailalim sa autopsiya dahil naniniwala silang walang foul play sa pagkamatay nito.
- Latest
- Trending