MANILA, Philippines - Dalawang African national na sangkot sa black dollar swindling scam ang kinalaboso ng Bureau of Immigration (BI) matapos na maaresto ang mga ito ng mga operatiba ng Mandaluyong police.
Kasalukuyang nakapiit sa Bicutan Immigration jail ang mga suspek na sina Christophe Korouma, Guinean national at Arthur Felisberto Donae isang Mozambique national na kaagad itinurn-over ng pulisya sa BI. Kaagad namang ipinag-utos ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan ang deportation proceedings laban sa mga suspek dahil sa pagiging undesirable aliens ng mga ito.
Gayunman hindi pa mapapatalsik palabas ng bansa ang dalawa dahil sa kinakaharap na kasong estafa na isinampa ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Malabon Regional Trial Court.
Lumalabas sa record na naaresto ang mga Africans ng mga operatiba ng CIDG sa isang entrapment operation sa isang coffee shop sa Edsa Shangri-la Mall sa Mandaluyong City matapos itong ireklamo ni Adelina Buenconsejo ng Quezon City.
Base sa reklamo ng biktima, binigyan niya ng P200,000 ang dalawa bilang kabayaran sa vault box na umano’y naglalaman ng “black dollars” kung saan kapag nilagyan umano ito ng isang special na chemical ay magiging tunay itong US dollars na nagkakahalaga ng $7M.
Subalit humingi pa umano ng karagdagang P1 milyon ang mga suspek at nang tumanggi ang biktima ay tinakot ito na sasaktan siya at ang kanyang pamilya. Dahil dito kayat kaagad nagsumbong sa CIDG ang biktima na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek samantalang isa pa nilang kasama ang pinaghahanap matapos na makatakas. (Gemma Amargo Garcia)