MANILA, Philippines - Dalawang hinihinalang carjacker ang napatay makaraan umanong makipagpalitan ng putok sa tropa ng Anti-Carnapping Unit ng Quezon City Police ilang minuto matapos na itakas ang kotse ng isang doktor sa lungsod kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Supt. Marcelino Pedroso, hepe ng District Police-Intelligence and Investigation Unit ng QCPD, inaalam pa rin nila ang pagkakakilanlan sa mga nasawing suspek.
Inilarawan ang unang suspek na nasa edad 30-35, may taas na 5’5’’, payat, kayumanggi, nakasuot ng itim na t-shirt, maong pants. Habang ang isa naman ay nasa 35-40 taong gulang, 5’5’’ ang taas, payat, mahaba ang buhok, naka-gray t-shirt, maong pants at asul na sapatos.
Maari rin anyang mula sa probinsiya sa Norte ang ginagalawan ng mga suspek dahil patungo ang mga ito sa parte ng Bulacan nang mangyari ang engkuwentro.
Ayon sa ulat, naganap ang engkuwentro sa harap ng Neopolitan Subd. na matatagpuan sa Mindanao Ave. sa nasabing siyudad dakong ala-1:30 ng madaling-araw.
Nabatid na nag-ugat ang bakbakan nang puwersahang kunin ng mga suspek ang isang Honda Civic (VCC-728) na pag-aari ng isang Dr. Angelito Alava, nakatalaga sa Veterans Hospital habang ang una ay papasakay sa kanyang kotse na nakaparada sa harap ng Mighty Supermart sa kahabaan ng Shorthorn, Brgy. Bahay Toro, Proj. 8 ganap na alas-12:30 ng madaling-araw.
Sinasabing isinama pa ng mga suspek si Alava, at ilang metro pa lamang ang natatakbo ng sasakyan ay pinababa na nito. Agad namang itinimbre ng biktima sa pulisya ang insidente dahilan upang ialarma ito sa buong kapulisan at karatig siyudad.
Naispatan naman ang sasakyan sa may kabahaan ng Mindanao Avenue Extension. Nang tangkain ng tropa ng pulisya na pahintuin ito, bigla na lamang silang pinaputukan ng mga suspek habang papatakas sanhi upang magkaroon ng habulan at nang makorner ay doon na nagpalitan ng putok ang magkabilang panig na ikinasawi ng dalawang suspect.
Narekober sa naturang insidente ang nasabing sasakyan gayundin ang isang kalibre 38 baril at isang kalibre 357 na gamit umano ng mga suspek. (Ricky Tulipat)