3 holdaper bulagta sa Maynila
MANILA, Philippines - Todas sa rumespondeng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang tatlo sa apat na holdaper na bumiktima ng dalawang dalaga at isang taxi driver sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Namatay noon din sa lugar sa pinangyarihan ng shootout ang mga suspek na pawang armado ng kalibre .38 kalibre ng baril. Isa ang inilarawan sa 25-30 anyos, may taas na 5’5’’, nakasuot ng pulang t-shirt at pulang short pants, itim na tsinelas; habang ang ikalawang suspek ay nasa 20-25 ang edad, nasa 5’4’’ ang taas, naka-itim na t-shirt at gray na short pants, pink na tsinelas at tadtad ng tattoo, na sa dibdib ay “Black sheep family” at mukha ni Mama Mary sa likod, miyembro ng Teardrop gang. Ang ikatlong napatay ay may edad sa pagitan ng 30-35, 5’5’’, naka-puting t-shirt, maong short pants may tattoo na “Ambo”, “Divia”, “Rey Flower”, “Eddie Gomez”. Isa naman nilang kasamahan ang nakatakas.
Sa ulat ni Det. Edgardo Ko ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-3:00 hanggang 3:35 ng madaling-araw sa may panulukan ng Main at P. Gil Sts., Sta. Ana, Maynila.
Nabatid na hinoldap ng mga suspek ang taxi driver na si Elvin Sabrido, 37, na nakunan ng kinitang P1,000 at hindi pa nakuntento ay pinukpok pa ng baril sa ulo ang biktima at puwersahang pinababa bago tinangay ang minamaneho nitong taxi (TXC 539).
Nagsuplong si Sabrido sa Sta Ana Police Station kung saan nagresponde ang mga ito sa pamumuno ni Chief Insp. Jay Baybayin. Nang magsagawa ng follow-up operation ay naabutan pa ng mga pulis ang taxi na tinangay. Imbes na sumuko ay pinaputukan ng mga ito ang mga pulis kaya napilitan ang mga huli na gumanti ng putok na ikinasawi ng tatlo sa mga suspect.
Nabatid na biktima rin ng grupo ng mga suspect ang dalawang dalaga na sina Edlyn Lanao, 33, at Roma Roque, 25, kapwa residente ng Lamayan St., Sta. Ana, Maynila na positibong kumilala sa mga suspek.
Sinabi ng dalawang babae na hinoldap sila ng mga suspek habang naglalakad sa Pedro Gil St., matapos manggaling sa 7 Eleven kung saan nakuha sa kanila ang P2,800 cash.
Narekober sa mga suspect ang tinangay na pera at cellphone ng kanilang mga biniktima.
- Latest
- Trending