MANILA, Philippines - Sa kagustuhang mapaligaya ang sarili sa kamay ng isang prostitute, pagkadismaya ang inabot ng isang probinsyano matapos na tangayin ng una ang kanyang dalang salapi sa loob ng isang apartelle sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Ang biktima na lulugu-lugong nagtungo sa himpilan ng Police station 10 ng Quezon City Police District para magreklamo ay kinilalang si Ferdinand Gonzales, 26, binata, factory worker, ng Marinig, Cabuyao, Laguna.
Ayon sa biktima, naubos ang lahat ng kanyang kinita na aabot sa P14,000 matapos tirahin ng nasabing prostitute. Nangyari ang insidente sa Confiado motel sa Aurora Blvd., Cubao sa naturang lungsod.
Sinabi ni Gonzales na nag-aabang siya ng masasakyan nang lumapit sa kanya ang isang prostitute at inalok siya ng sex sa halagang P350. Dahil mura at para magkaroon ng kakaibang karanasan ay pumayag ang biktima at nagtungo ang mga ito sa Confiado Apartele.
Ngunit nang mailapag na ng biktima ang kanyang gamit at nagtungo sa banyo ay biglang kinuha ng babae ang kanyang pouch na naglalaman ng nasabing pera at mabilis na tumakas. (Ricky Tulipat)