Pekeng recruiter ng escort girl tiklo

MANILA, Philippines - Nagkabasag-basag ang mukha ng isang lalaking Filipino-Japanese makaraang bugbugin ng taumbayan dahil sa panloloko niya sa mga nire-recruit na escort girl na pinagna­nakawan lamang pala ng cellphone kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Bumagsak ngayon sa Pasay detention cell ang suspek na nakilalang si Cyrus Natakamura, 25-anyos, binata, ng Block 1 Lot 14 Cuyegking St. sa naturang lungsod. Positibo siyang itinuro ng kanyang biktma na si Ronessa Castro, 18, third year chemical engineering student, na nata­nga­yan ng kanyang Nokia N95 cellphone na nagkakahalaga ng P11,000.

 Unang biniktima ng suspek si Castro kamakailan kung saan inalok ito na mag-escort sa kliyente niyang Hapones kapalit ng halagang P10,000. Napaniwala naman ang biktima nang magsalita ng “Nihongo” ang suspek patunay na may lahi siyang Hapones. Dahil umano sa nangangailangan ng perang pandagdag sa kanyang tuition fee, napapayag ang biktima kung saan dinala siya ni Natakamura sa isang restoran sa may Bluewave sa Macapagal Boulevard.

Hiniram naman ng suspek ang cellphone ng biktima upang tawagan umano ang kliyenteng Hapones ngunit hindi na ito bumalik makaraang lumabas ng restoran. Masama pa nito, si Castro pa ang nagbayad ng kanilang kinain.

Agad na ipinagbigay-alam ito ni Castro sa pamunuan ng naturang restoran. Nadakip si Natakamura nang muling buma­lik sa parehong restoran ang suspek na may kasama na namang ibang babae na kanyang bibiktimahin. Nakilala naman ito ng mga tauhan ng naturang restoran na nagtulung-tulong na kuyugin ang suspek bago isinuko sa pulisya. (Danilo Garcia)

Show comments