Kelot namudmod muna ng mansanas bago nag-suicide
MANILA, Philippines - Marahil upang mabawasan ang bigat ng konsensya, gumawa muna ng kabutihan sa pamamagitan ng pamimigay ng mansanas ang isang 43-anyos na lalaki bago ito tumalon sa ilog at magpakamatay, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Ilang oras makaraan ang pagtalon, natagpuan ang lumutang na bangkay ng biktima na nakilala sa ID na nakuha rito na si Ricardo Malda, taxi driver at naninirahan sa Bagong Landas St., Brgy. San Agustin, Quezon City.
Sa ulat ng Pasay City police, dakong alas-8 ng umaga nang makuha ang bangkay ng biktima sa ilog sa may Brgy. Malibay. Wala namang nakuhang suicide note sa katawan nito kaya nananatiling palaisipan ang dahilan ng kanyang pagpapatiwakal.
Nabatid sa mga saksi na una nilang nakitang namili ng mansanas ang nasawing biktima at saka isa-isang ipinamigay sa mga dumaraang tao.
Makalipas ang may 30-minuto, namataan na ito na tumayo sa tulay ng ilog na nag-uugnay sa Tripa de Galina at E. Rodriguez saka lumundag. Agad namang tinangay ng malakas na agos ang biktima. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending

















