Preso pumuga, todas sa parak
MANILA, Philippines - Todas ang isang papatakas na preso matapos na barilin ng isang jailer kahapon ng madaling-araw sa Maynila.
Dead-on-the-spot ang presong si Arnel de Luna, may-asawa, walang permanenteng trabaho matapos mabaril ni PO3 Raymundo Banares, 36, ng MPD-station 3 detention cell.
Sugatan naman ang isang bystander na si Salvador Valencia na ginamit na hostage upang ipanangga ng suspect sa humahabol sa kanyang pulis.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa harapan ng MPD-Station 3 sa Quezon Blvd., Sta. Cruz, Maynila.
Sa rekord, si De Luna ay inaresto kamakalawa ng tanghali matapos ireklamo ng pang-aagaw ng baril ng isang security guard sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC).
Kahapon ng madaling-araw ay sinira umano ni De Luna sa pamamagitan ng pagtadyak ang kahoy na bahagi ng detention cell at tumakas na dumaan pa sa mismong harapan ni Banares na noon ay naka-duty.
Nang habulin si De Luna ay nagtangka pa itong mang-agaw ng baril ni Banares kaya siya pinaputukan.
Bagama’t may tama, tumakas pa rin palabas ang suspek at nang nadaanan nito si Valencia ay tinangka nitong i-hostage kaya muling pinaputukan ito ni Banares na aksidente namang tumama sa kanang hita si Valencia habang ang suspek ay tuluyang bumagsak sa semento. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending