Baril at droga nasamsam
MANILA, Philippines - May 17 baril na walang lisensya at kalahating kilo ng marijuana ang nasamsam ng mga awtoridad sa pagsalakay sa iba’t-ibang lugar sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ayon kay Supt. Constante Agpaoa, hepe ng Batasan Police Station 6, nakasamsam din ang tropa ng pulisya ng ilang drug paraphernalia sa tatlong barangay kasabay ng pagbitbit sa 62 katao kung saan siyam dito ang inaresto.
Ang pagsalakay ay bahagi ng pinatutupad ng pulisya na “Oplan Galugad” na ang naging target ay ang mga barangay sa Commonwealth, Batasan at Holy Spirit, partikular sa liblib na lugar sa Freedom Park, Riverside, Martan, San Simon, at Republic Saringan.
Ayon kay Agpaoa, inimbitahan nila ang 62 katao na nasa edad 25 anyos para sa imbestigasyon kung saan siyam dito ang ipinakulong matapos na mapatunayang nagkakalinga ang mga ito ng baril at iligal na droga. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending