Trader todas sa ambush

MANILA, Philippines - Tuluyan nang binawian ng buhay kahapon ng umaga sa Metropolitan Hospital ang isang negos­yan­teng naunang tinam­bangan at pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Bambang at Rizal Avenue sa Sta. Cruz, Maynila.

Dakong alas-7:00 ng umaga kahapon nang idek­larang patay si Benigno Me­dina Jr, 38, may-ari ng Advance Tech Medical Supply at residente ng 1711 M. Hizon St., Sta. Cruz.

Sa ulat ni Det. Dennis Paul Javier ng Manila Police District-Homicide Section, pinagbabaril si Medina sa tapat ng nasabing tindahan na matatagpuan sa 1366 Rizal Avenue, Sta. Cruz ng tatlong lalaki dakong 11:45 ng tanghali nitong Sabado.

Nasaksihan ng kaniyang mga empleyado at kustomer ng medical supply ang pa­nanambang habang naka­tayo ang biktima sa tapat ng kaniyang tindahan.

Kadarating lamang uma­no ni Medina at bumababa sa kaniyang puting Pajero at kinakausap ang ilang em­pleyado sa pag-aayos ng kanilang display na paninda nang biglang sumulpot ang mga suspek.

Gamit ang kalibre.45 baril ng isa sa tatlong suspek na walang sabi-sabing pinutu­kan nito nang malapitan ang biktima bago mabilis na nag­sitakas patungo sa get-away na Toyota Vios na kulay asul na ipinarada sa panulukan ng Bambang at Oroquieta Streets bago humarurot.

Isinugod ng driver na si Jomar Mojico ang kaniyang amo.

Blangko pa hanggang sa kasalukuyan ang pulisya sa motibo at pagkilanlan ng mga suspek.

Show comments