MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 24- anyos na delivery boy, samantalang sugatan ang isa pang kasama nito matapos silang pagbabarilin ng hindi nakikilalang mga suspek habang papasok sa kanilang pinapasukang trabaho kahapon ng madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.
Hndi na umabot ng buhay sa Ospital ng Sampaloc sanhi ng tama ng bala sa ulo ang biktimang si Glen Palada ng Zone 7 Wawa Malabon, Biñan Laguna, samantalang ginagamot din sa naturang ospital si Vender Perol, 24, binata, store helper ng #84 Geronimo St., Sampaloc, Manila bunsod ng tama ng bala sa katawan.
Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang mga suspek na nakilala lamang sa mga alyas na Patotot, Wewe at Marvin na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Base sa ulat ni Det. Edgardo Ko ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-12:45 ng madaling araw nang naganap ang insidente sa panulukan ng M.H. dela Fuente at F. Fajardo Sts., Sampaloc, Manila.
Nabatid na ang mga biktima ay kapwa delivery boy ng mga softdrinks sa Royal Mart Merchandising sa Vicente G. Cruz, Sampaloc, Manila.
Bago naganap ang pamamaril, galing umano ang dalawa sa bahay ni Perol upang kumuha ng kanilang mga gamit at kumain ng kanilang hapunan.
Matapos kumain ay naglakad pabalik sa kanilang pinapasukan ang dalawa subalit pagdating sa nasabing lugar ay bigla na lamang lumabas sa isang madilim na bahagi ang mga salarin at walang sabi-sabing binaril ang mga ito.
Inaalam pa ng pulisya kung may kaugnayan sa kanilang trabaho ang motibo sa pagpatay o simpleng nakursunadahan lamang ang mga ito. (Gemma Amargo-Garcia)