Ginang namatay sa gutom
MANILA, Philippines - Inaalam pa ng awtoridad kung ano ang dahilan ng pagkamatay ng isang 52-anyos na ginang na umano’y dating okupante ng isang hotel matapos makapag-asawa ng isang German national, subalit naubusan umano ng pera at walang pangkain at pang-upa ng hotel, sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Sa garahe ng Juliana Hotel, sa #1175 Guerrero St., nadiskubreng walang buhay ang biktimang si Susana Witka, dati umanong naninirahan sa nasabing hotel subalit pinalayas dahil sa hindi na makabayad at sa garahe na lamang natutulog.
Sa ulat ni Det. Gerry Amores ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-5 ng umaga nang matagpuang patay ang biktima sa garahe ng Plaza Tower sa #1175 L. Guerrero St., Ermita, Maynila.
Sinabi ng isang Teodoro Bacarro Sr., 48, maintenance ng gusali, ginigising niya ang biktima upang pakainin ng dala niyang pagkain subalit matigas na umano ito at wala nang buhay.
Huling nakitang buhay ni Bacarro ang biktima dakong alas-7 kamakalawa ng gabi nang matulog ito sa nasabing lugar.
Nabatid na Disyembre, 2008 nag-check-in ang biktima sa Juliana Hotel nang lumuwas ito mula sa Mindoro province at makalipas ang tatlong buwan ay hindi na umano nakabayad ng hotel bills kaya napilitan itong palayasin. Hindi umano umuwi sa probinsiya ang biktima at sa halip ay tumira sa garahe ng hotel.
Nabatid din na umaasa na lamang ang biktima sa mga pagkaing bigay sa kaniya ng ilang naaawang kakilala.
Hinihinalang maaaaring gutom ang ikinamatay nito.
Nabatid na ang biktima ay nakapag-asawa umano ng isang German national at hindi pa mabatid kung ano ang nangyari sa kanilang relasyon at kung bakit wala nang pera ang biktima. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending