MANILA, Philippines - Inalarma kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Roberto Rosales ang kanyang limang district directors ukol sa kumakalat na text messages patungkol sa bagong modus operandi ng grupong kriminal na pambabato ng itlog sa mga sasakyan. Sinabi ni Rosales na isang masamang biro ang posibleng pangyayari ngunit wala pa namang natatanggap na ulat ang pulisya na nabiktima ng pambabato ng itlog. Inihayag pa nito na sa ibang bansa, ang pambabato ng itlog ay nagdudulot ng mataas na bahagdan ng aksidente sa kalsada.
Sa ulat, ginagamit ng sindikato ang ilang kabataan sa pambabato ng ilog sa mga sasakyan. Kapag tumigil na ang nagmamaneho nito dahil sa lumabo na ang harap na salamin ay doon na ito hoholdapin. Inamin naman ng pulisya na tumaas ang insidente ng krimen na sangkot ang mga kabataan mula edad 12 hanggang 14. (Danilo Garcia)