Traders na kasabwat ng Alvin Flores gang tugis ng NBI
MANILA, Philippines - Tinutumbok ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga negosyanteng nakabili ng mga nakaw na mamahaling relong Rolex na kinulimbat ng grupo ng ‘Alvin Flores gang’ na nanloob sa Greenbelt 5, Makati City kamakailan.
Ayon sa source ng NBI, bago pa isagawa ng grupo ang panloloob sa Rolex store ay may nakaabang ng buyer ang mga ito at matapos ang insidente ng holdapan ay naipasa na agad sa mga buyer ang natangay na karamihan umano ay ang high end na “Tudor” at iba pang relo.
Sa araw na iyon din umano nai-dispose ng grupo ang mga nakulimbat na relo.
Samantala, nakatakdang sampahan na ng kasong robbery ang nadakip na si Rene Batiensela, na nakapiit sa NBI jail, kaugnay sa mga panghoholdap sa Rolex Store, at apat pang insidente ng panloloob sa apat na bodega sa Pasig City at robbery attempt sa Pepsi Cola, sa Maynila. Bukod pa ito sa outstanding warrant of arrest na inisyu ng Caloocan Metropolitan Trial Court Branch 51, sa kaso ng illegal possession of firearms.
Nabatid na sa loob lamang ng taong 2008, ang grupo ay nagawang manloob sa 26 na establisimyento na karamihan ay tinira ang safety vaults na may malalaking pera. (Ludy Bermudo, Danilo Garcia at Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending