Mister itinumba; itinapon sa sapa
MANILA, Philippines - Pinagsasaksak na at nang mamatay ay itinapon pa sa sapa ng isang magkapatid ang isang mister matapos na idamay ito ng mga huli sa kanilang galit sa isang kainuman na hindi nagpahiram sa kanila ng bisekleta para umiskor ng shabu habang nag-iinuman sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Ito ang nangyari kay Ernesto Salamilao, 30, may-asawa, maintenance sa Concord Scientific Chemical Corporation at residente sa #13 Dr. Lascano St., Barangay Tugatog, Malabon City.
Bukod kay Salamilao, sugatan sa insidente si Albert Gerelingo, 21, binata, residente ng Barangay Balingasa sa lungsod matapos na magtamo ng sugat sa ulo, balikat at braso bunga ng pamamalo sa kanya ng pala.
Nadakip naman ng La Loma Police ang isa sa mga suspek na si Allan Enocillas, 37, may-asawa, construction worker at residente rin sa nasabing barangay. Pinaghahanap pa ang kapatid niyang si Alberto na mabilis na nakatakas.
Ayon kay Gerelingo, nag-iinuman sila ni Salamilao, Allan at isang Glen Pomasin nang hiramin umano ng suspek ang bisekleta ng huli para gamitin pang-iskor ng shabu.
Nang tumanggi si Pomasin, nagalit si Allan sanhi upang mauwi ito sa mainitang pagtatalo. Nasa kainitan ng pagtatalo nang dumating ang utol ni Allan at agad na hinablot nito si Gerelingo at pinalo ng pala sa ulo at sinaksak sa braso.
Nang makita ito ni Salamilao, naalarma ito at tinangkang tumakbo ngunit hinabol ito ng magkapatid at nang maabutan ay pinagsasaksak ito ni Alberto saka pinagtulungang ihulog sa sapa bago nagsipagtakas. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending