Binahang lugar sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City gagawing isang garden
MANILA, Philippines - Isa na namang hardin ang itatayo sa Quezon City, ngayon ay doon naman sa flood-prone area na tinatawag na Ever green sa Brgy. Bagong Silangan.
Inatasan ni Mayor Feliciano Belmonte Jr. si Dept. of Public Order and Safety (DPOS) head Manuel Sabalza na gawing halamanan ang binabahang lugar sa Bagong Silangan.
Ayon kay Belmonte, wala na dapat malagay sa panganib na gaya noong marami ang naging biktima sa Bagong Silangan na nasalanta ng bagyong Ondoy. “Let’s transform the area into a garden. Wala dapat na bahay na itatayo o makikita rito.Dapat puno at halaman ang makikita rito,” ani Belmonte sa isinagawang regular executive staff meeting sa Bulwagang Amoranto.
Ang Bagong Silangan na dinadaanan ng creek papuntang Marikina River ay isa sa mga barangay sa Quezon City na malubhang napinsala ng bagyong Ondoy, na kumitil ng maraming buhay at sumira sa milyong pisong ari-arian. Umaabot sa 1,000 residente ng lugar ang inilikas noong kasagsagan ng flash flood na sanhi ng bagyong Ondoy.
Ayon kay Sabalza, ang flood-prone area ng Bagong Silangan ay maaaring maging bagong Payatas na ngayon ay isa na sa tourist destination sa lungsod matapos ang trahedya ng pagguho ng tambak na basura may ilang taon na ang nakalilipas.
Bukod dito, hiniling din ni Mayor Belmonte kay City Engineering Chief Joselito Cabungcal na madaliin ang pagkukumpuni sa mga nasirang imprastraktura dahil sa bagyo, tulad ng school building, health centers at kalsada.
Naglaan ang pamahalaang lungsod ng P500 milyon para sa relief operations sa humigit-kumulang na 50,000 biktima ng flash floods at sa rehabilitasyon ng mga nasira ng bagyo.
- Latest
- Trending