MMDA nakaalerto kay 'Santi'
MANILA, Philippines - Dahil sa leksyong natutunan sa bagyong Ondoy, nakataas na ang red alert sa lahat ng tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa inaasahang pagpasok ngayong Sabado ng bagyong Santi sa Metro Manila.
May 700 tauhan ng ahensya ang naka-stand-by sa loob ng 24 na oras mula alas-4 ngayong madaling-araw at nakahandang tumalima sa anumang emergency.
Ipoposisyon ang mga ito sa Makati, Timog, C-5, Ortigas Avenue at iba pang istratehikong lugar sa Metro Manila upang magsagawa ng “clearing, rescue, relief at evacuation operations”.
Dinagdagan na rin umano ang bilang ng mga tauhan sa kanilang Metrobase traffic and Monitoring Center para sa inaasahang pagdagsa ng mga paghingi ng saklolo. Maaaring makatawag ang publiko sa kanilang hotline number na 136.
Nag-isyu na rin ng “disaster alert advisories” ang MMDA sa lahat ng lokal na pamahalaan upang magsagawa rin ng kani-kanilang paghahanda para sa kaligtasan ng kanilang mga residente. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending