Quezon City, Pasig niyanig ng pagsabog
MANILA, Philippines - Nayanig ang mga residente sa isang lugar sa lungsod Quezon makaraan ang naganap na isang malakas na pagsabog.
Ayon sa ulat ng District Police Intelligence Unit (DPIU) ng Quezon City Police, pasado alas-2 ng madaling-araw nang maganap ang pagsabog sa may Burgundy Plaza sa kahabaan ng Katipunan Avenue sa lungsod Quezon.
Wala namang iniulat na nasugatan ngunit hindi naman nakaligtas ang isang Honda Civic (WFY-297) na pag-aari ng estudyanteng si Allan Valencia dahil nawasak ang likuran nito matapos madale ng nasabing bomba habang nakaparada sa nasabing lugar.
Bago ito, sinabi ni Imer Gaduan, napuna niya ang isang kulay pulang sako na nakalapag sa nasabing lugar habang nagpapatrulya. Sinabi pa nito, tatangkain pa sana niyang damputin ang plastic ngunit nakita niyang umuusok ito kaya mabilis siyang tumakbo papalayo kasunod na nga ang malakas na pagsabog.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng Special Weapon and Tactics (SWAT) bomb squad sa pamumuno ni Inspector Arnulfo Franco, lumilitaw na mula sa improvised explosive device na may timing mechanism ang bomba na ginamit sa naturang insidente.
Ang pagsabog ay lumikha ng uka na may sukat na siyam at kalahating diametro at 1.6 inches na lalim.
Ayon kay QCPD director Chief Supt. Elmo San Diego, hindi nila binabalewala ang naturang insidente at magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon upang madakip ang may kagagawan nito.
Samantala, isa ring improvised explosive devise ang sumabog sa harapan ng isang banko kahapon ng madaling-araw sa Ortigas Center, Pasig City.
Wala namang naiulat na nasaktan o nawasak sa naturang pagpapasabog na naganap dakong ala-1:15 ng madaling araw sa tapat ng Union Bank sa Meralco Avenue, Ortigas Center.
Sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Pasig Police-Explosive and Ordnance Unit, isang pillbox lamang ang pinasabog sa naturang lugar dahil sa narekober na foil na pinagbalutan ng pulbura.
Ayon sa ilang saksi, isang lalaki na may kasamang tatlo pa na pawang nasa edad 20 pataas, ang nakita nilang naghagis ng naturang pillbox bago nagsitakbo papalayo sa lugar.
Maaari namang nananakot at nag-trip lamang ang mga gumawa nito. Inaalam pa ng pulisya kung may koneksyon ang dalawang naganap na pagsabog. (Ricky Tulipat at Danilo Garcia)
- Latest
- Trending