MANILA, Philippines - Nanawagan ang Manila Electric Company (Meralco) sa mga magtutungo sa mga sementeryo ngayong Undas na huwag nang magdala ng mga appliances na gagamit ng kuryente upang maiwasan ang pagkakaroon ng “brownouts”.
“Hinihikayat po natin ang mga tao na huwag nang magdala ng kanilang mga electrical appliances tulad ng telebisyon, radyo, electric fan, coffee maker, water heater at iba pa. Kung sabay-sabay na kokonsumo ng kuryente ang mga ito maaari pong magkaroon ng brownout sa mga sementeryo sa pagbigay ng ating mga equipments,” ayon kay Joe Zaldarriaga, external communications manager ng Meralco.
Hiniling rin ni Zaldarriaga sa Philippine National Police at mga administrador ng mga sementeryo na palakasin ang kanilang seguridad upang matiyak na hindi sila malulusutan ng mga electric appliances. Hindi umano kinukunsinti ng Meralco ang iligal na pagkakabit o pagta-tap sa kanilang mga linya sa loob ng mga sementeryo.
Sa halip, maaaring magdala na lamang ang publiko ng mga gamit na pinatatakbo ng baterya kung hindi maiwasang magdala ng mga kasangkapan. Kung may reklamo ang publiko ngayong All Saints at All Souls Day, maaari umanong tumawag sa kanilang call center number 16211 o mag-text sa 0920-929-2824 o 0917-5592824. (Danilo Garcia)