MANILA, Philippines - Hiniling ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) na ipa-extradite ang isa pa sa akusado sa Dacer-Corbito double mur der case na si dating Chief Insp. Vicente “Boy” Arnado, na nasa Estados Unidos.
Ayon kay Regional Director lawyer Ricardo Diaz, hepe ng NBI Anti-Terrorism Division (ATD), si Arnado umano ayon sa ulat, ay nagtatago sa California at namataan din umano noong nakalipas na mga taon sa Hawaii.
Umaasa ang NBI na masimulan na ng DOJ ang extradition laban kay Arnado dahil isa ito sa akusado na dating miyembro ng nabuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF). Hindi rin umano mahihirapang hanapin si Arnado kung may extradition request na laban sa kanya dahil hihingin nila ang tulong ng counterparts sa US.
Inaasahang dadalhin nila sa pagdinig sa sala ni Judge Myra V. Garcia-Fernandez, ng Manila RTC Branch 18, sa Nobyembre 11 si dating Supt. Glenn Dumlao, para tumestigo, matapos itong alisin na sa pagiging akusado sa Dacer-Corbito case noong Setyembre lamang.
Si Dumlao ay naka-kustodiya pa rin sa NBI detention room simula pa nang siya ay na-extradite at umuwi sa bansa noong Hulyo 26, 2009.
Nabatid na si Mancao ay nailipat na sa DOJ-Witness Protection Program safehouse matapos siyang magpasok ng not guilty plea sa arraignment noong Hunyo 30. (Ludy Bermudo)