Ratratan sa QC: 4 patay
MANILA, Philippines - Apat na lalaki ang iniulat na nasawi makaraang paulanan ng bala ng shotgun at armalite ng limang armado sa loob ng isang bahay sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ang mga biktima na pawang nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan ay kinilalang sina Rodolfo Abrogar, 51, at anak na si Michael Abrogar, 28, pamangking si Jun Eder Abrogar, 28; at isang alyas Jun, 22, na naninirahan sa may San Pascual St., Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Sa pagsisiyasat, naganap ang masaker sa tahanan ng isang Marivic Abrogar na matatagpuan sa 935 San Pascual St., Brgy. Commonwealth ng nasabing lunsod pasado alas- 10 ng umaga.
Ayon kay Leony Abrogar, asawa ng nasawing si Rodolfo, naghahanda na sana sila para magpunta sa sementeryo para maglinis ng puntod nang mangyari ang nasabing pamamaril.
Sinasabing nagpunta ang mga biktima sa bahay ni Marivic para humingi ng pintura na dadalhin sa sementeryo kung saan habang naghahanda ay biglang dumating ang limang kalalakihan na armado ng shotgun at armalite.
Dalawa sa mga suspect ang agad na pumorma sa pintuan ng bahay tangan ang shotgun at armalite habang ang tatlo ay nagsilbi namang look-out saka pinaulanan ng bala ang mga biktima.
Matapos ang pamamaril, nagsalita pa umano ang mga suspek ng “clear na, clear na,” bago sabay-sabay na nagsipaglakad papalayo sa nasabing lugar.
Ayon sa mga residente, habang papatakas ay nagpapaputok pa ng baril paibaba ang mga suspek dahilan upang magsipagtago sila para hindi madamay.
Samantala, sa pagsisiyasat ng pulisya bukod sa mga basyo ng bala ay nakarekober ang mga ito ng isang granada sa loob ng bahay na hinihinala ng awtoridad na posibleng papasabugin pa ito ng mga suspek para guluhin ang imbestigasyon, bukod sa pamamaril.
- Latest
- Trending