MANILA, Philippines - Nakaligtas sa pagkasunog ang dalawang sundalo makaraang magliyab ang sinasakyan nilang Mitsubishi L-300 van sa kahabaan ng South Luzon Expressway kahapon ng umaga sa Makati City.
Bago pa magliyab ang van (UHE-695) ay nakababa na ang mga sakay nitong sina PAF Lt. Sr. Grade Elmer Toriado at Private 1st Class Edward Delta, kapwa nakatalaga sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Sa ulat ng Makati Fire Department, dakong alas-10:50 ng umaga nang maganap ang insidente sa may Paseo de Magallanes patungong South Super Highway.
Halos 30 minuto naman ang tinagal nang pagkakasunog ng naturang van bago tuluyan naapula ng mga nagrespondeng mga tauhan ng Makati Bureau Fire Protection.
Batay sa pahayag ni Delta ihahatid sana niya ang kanyang opisyal na si Toriado sa NAIA at habang tinatahak nila ang kahabaan ng SLEX ay bigla na lamang umusok ang unahang bahagi ng kanyang minamanehong van. Mabilis na kumalat ang apoy sa loob ng naturang van.
Malaki naman ang hinala ng mga awtoridad na maaaring nag-over heat ang makina nito o nagkaroon ng engine trouble kung kaya bigla na lamang itong nagliyab. (Danilo Garcia)