Inspeksyon sa MRT at LRT mas pinahigpit
MANILA, Philippines - Mas pinahigpit ngayon ng security agency ng Metro Rail Transit Authority (MRTA) at Light Rail Transit Authority (LRTA) ang pag-iinspeksyon sa mga pasahero ngayong nalalapit na ang Undas upang matiyak ang seguridad.
Sa pahayag ng LRTA, ipinag-utos ngayon ang mas masusing paghahalughog sa mga bag ng mga pasahero upang matiyak na hindi makakalusot ang mga ipinagbabawal nilang gamit tulad ng anumang uri ng matalim na bagay, alak at bahagi na lagpas sa 2ft. X 2 ft. na sukat.
Bukod dito, ipinagbabawal na rin ang pagpapasok ng mga pintura, thinner na gagamitin sa pagpapaganda ng mga puntod habang patuloy na pinagbabawalan na makapasok ang mga nasa ilalim na impluwensya ng alak.
Humingi naman ng dagdag na pulis sa PNP ang LRTA sa kanilang mga istasyon sa R. Papa, Abad Santos at Blumentritt na inaasahan nila na dadagsain ng mga pasahero dahil sa mga sementeryong malalapit dito. Nagtalaga na rin ng medical at public assistance desk sa R. Papa station ang LRTA upang tumulong sa mga pasaherong nangangailangan. Sinabi naman ni LRTA Administrator Mel Robles na ipinauubaya na nila sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pamamahala sa daloy ng trapiko mula sa Monumento hanggang North Avenue na naging matindi ang pagsisikip dulot ng konstruksyon ng LRT Line 1 Extension dahil sa pagsakop sa malaking bahagi ng EDSA.
Iginiit ni Robles na ang MMDA umano ang nag-apruba
ng traffic plan sa naturang bahagi ng EDSA kaya sila ang may responsibilidad ng naging mabigat na trapiko. Handa naman umano silang makipagtulungan sa anumang iaatas ng MMDA.
Ganito rin ang paghihigpit na ipatutupad ng MRTA kung saan babantayan rin ang posibleng pananamantala ng mga terorista sa naturang okasyon. Sa kabila nito, sinabi ni Lyza Blancaflor na hindi naman tumataas ang bilang ng pasahero sa MRT tuwing Undas ngunit mananatili ang kanilang “heightened alert” upang hindi malusu tan. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending