MMDA pinagpapaliwanag sa drainage outflow
MANILA, Philippines - Pinagpapaliwanag ni Konsehal Bernadette ‘BH’ Herrera-Dy ng Distrito Uno, Quezon City ang Metro Manila Development Authority (MMDA) kaugnay ng pag-apruba umano nito sa drainage outflow plan ng isang mall sa North Triangle area ng nabanggit na siyudad.
Ito’y matapos na hilingin ng pamunuan ng Embassy Gardenhomes Condominium Corp. (EGCC) sa tanggapan nina 1st District Councilor Bernadette Herrera-Dy at Brgy. Capt. Ben Sia ng West Triangle na paimbestigahan ang drainage system ng naturang mall na umano’y dahilan ng pagbaha sa kanilang lugar sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong “Ondoy” na nagresulta naman sa pagkakasira ng ilang ari-arian, pagkatakot, pagkakasakit at pagkakasugat ng apektadong mga residente.
Sa liham na ipinadala ni Herrera-Dy kay MMDA Chairman Bayani Fernando, sinabi niyang kinakailangang linawin ng ahensya ang pagkakaapruba sa drainage outflow plan ng mall. Bago pa ang liham ng EGCC, nag-privilege speech na si Herrera-Dy sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod noong Sept. 28, 2009 at dito ay isiniwalat niya ang posibilidad na malaki ang naambag ng drain age outflow plan sa malawakang pagbaha sa mga barangay ng West Triangle, Philam, Bungad, Paltok at ilan pang kalapit na lugar.
- Latest
- Trending