MANILA, Philippines - Kamatayan ang naging regalo ng isang pulis sa isang binata na nagse-celebrate ng kanyang kaarawan matapos na siya’y pagbabarilin dahil sa tangkang pagsaklolo sa kanyang kuya na ginugulpi umano ng una sa lungsod Quezon kamakalawa.
Nasawi dahil sa dami ng tama ng bala sa katawan ang biktimang si Jeffrey Detubio, 25, binata, staff ng barangay at residente ng Masbate St., Bago Bantay sa lungsod. Natukoy naman ang suspek na si PO2 John-Jhon Soriano, nakatalaga sa mobile patrol unit ng Police Station 2 ng QCPD at residente sa Balayan St., Brgy. Alicia sa nasabing barangay.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may pagitan ng Nueva Ecija at Masbate St., sa lungsod ganap na alas- 10:30 ng gabi. Bago nito, nagdiriwang ng kanyang kaarawan ang biktima, kasama ang nakatatandang kapatid na si Jonathan at ilang kaibigan. Dahil marami ang bisita at kulang sa upuan, nagpasya si Jonathan na umalis para kumuha pa ng bangko gamit ang motorsiklo.
Ilang minuto ang lumipas, bumalik si Jonathan at nagsumbong na ginulpi umano siya sa barangay hall matapos bitbitin ng suspek dahil sa nakabanggaan niya sa motorsiklo. Dahil dito, nagpasya ang biktma na pumunta sa barangay hall kasama ang grupo, ngunit hindi na inabutan ang suspek kung kaya kinuha na lang nila ang motorsiklo at saka bumalik sa kanilang bahay.
Pagsapit dito ay itinuloy nila ang selebrasyon hanggang sa magpasyang umihi ni Jonathan sa pader. Habang umiihi ay sumulpot ang suspek at hinatak si Jonathan sanhi upang saklolohan ng biktima na ikinagalit nito at pagbabarilin sa katawan ang birthday celebrant. (Ricky Tulipat)