Sanggol dinukot sa mall
MANILA, Philippines - Pinaghahanap ng pulisya ang isang babaeng pinaniniwalaang miyembro ng sindikatong ‘Baby for sale’ matapos magpanggap na estudyante at magsagawa ng survey upang matangay ang isang 4-na araw pa lamang na kasisilang na sanggol, mula sa kanyang ina, sa isang mall, sa Arroceros, Ermita, Maynila.
Sa reklamong idinulog sa Women and Children Protection Desk (WCPD), ng ina ng sanggol na si Angelina Bico, 23, ng Gelerios St., Sta. Cruz, Maynila, isang tinatayang 20-25 anyos, may taas na 5’1’’ hanggang 5’2’’, may katabaan, at nagpakilalang “Christine” ang tumangay sa bagong silang na babaeng sanggol.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Josie Feleo, dakong alas-10 kamakalawa ng umaga nang maganap ang pagdukot sa isang Derma clinic sa basement ng mall sa Arroceros, Ermita.
Sinabi ni Bico na nagpunta sa kanilang bahay noong Lunes (Oktubre 19) ang suspek at nakiusap na interbyuhin siya bilang bahagi ng project (assignment) nila sa school hinggil sa mga bagong silang na sanggol.
Aminado ang biktima na nagtiwala agad siya kaya hindi na tinanong kung anong school nag-aaral ang suspek hanggang sa kinabukasan ay bumalik ang suspek at makumbinsi siya na sumama sa isang mall sa Maynila upang doon umano siya ipaayos sa isang Derma clinic at pagandahin, na bahagi din umano ng school assignment.
Kasama ng biktima ang kanyang baby at isa pang anak na 3-taong gulang.
Nang nasa mall na sila ay ipinaiwan umano ang 3 taong gulang sa foodcourt sa ground floor upang magtungo sila sa Derma clinic sa basement at doon ay pinapirma siya ng request form ng Derma clinic.
Hindi pa man siya nasisimulan sa gagawing pagpapaganda ay mabilis siyang lumabas upang kunin ang sanggol na karga ng suspek subalit hindi na niya nakita ang suspek at ang kanyang baby.
Ipinalabas na rin ang isang cartographic sketch ng suspek.
- Latest
- Trending